Thursday, February 14, 2013

Love Story: Acceptance is Love



Sorry but will post this in Tagalog .... 

Pauwi ako galing trabaho nun nang mapansin ko sa loob ng jeep ang isang nanay na kalong ang kanyang anak na lalaki na may hawag ng espada na siguro'y edad lima na sinasaway na wag kumulit ng ibang pasahero. Sobrang kulit at maingay ang bata, pati ako kinukulit. Gusto niyang tusukin ng espada lahat at pati ako natusok niya. Nang bumaba ang tatlong pasahero, nakaupo na ng libre ang bata, at doon ay agad na pinunasan ng nanay ang likod ng kanyang anak. Si anak, nilabas ang isang kamay sa jeep, patuloy pa rin sa pangungulit. Nang ilalabas na nito ang laruang espada niya sa bintana ng jeep, pinalo syang bigla ng nanay niya at kinuha  ang laruan. Binuhat niya ito at muling kinalong.



Nangiti lang ako at nakapag-isip "Ang sarap bumalik sa pagkabata"....

Nang makauwi na'ko ng bahay, away naman ang  sumalubong sa'kin. Hindi ko maawat si Mama at Papa. Lasing si Papa habang si Mama nama'y walang tigil sa kakabunganga! 
Napayosi ako sa bintana para kumalma para awatin ulit pero hindi pa rin mapigil.  Dala siguro ng antok, at pagod sa trabaho, naiyak na lang akong bigla sa harapan nila.

"Hindi ba kayo titigil? Pagod na pagod na'ko. Kung alam niyo lang po ang pinagdadaanan ko!  Gusto ko ng mamatay!"

Agad nagtanong si Papa kung anong problema  habang si Mama nama'y, tahimik at hindi alam ang sasabihin. 

Napaakap akong bigla kay Mama, at napahagulgol! 

"Ma, natatakot ako!"

Anong problema anak, sabihin mo, nararamdaman ko na may problema ka,

Tumayo ako at kinuha ko sa aparador ang itinagong Confirmation Letter from SLH.

Ma, ayan po yung confirmation from SLH........ I'm sorry I'm HIV positive!

Dahil sa gulat at hindi makapaniwala sa narinig ay hindi na tinignan ni Mama ang sobre. Agad niya itong nilukot at tinapon sa sahig habang pinulot naman ni tatay  at binasa..

"Bakit ikaw anak?", paulit-ulit na tanong ni nanay.  

"Ayan din tanong ko Ma, I'm sorry po. Pa, I'm sorry din."

Nag-iyakan kami ni Mama sa sala habang nanigarilyo naman si Papa sa kusina. 

"Alam niyo naman po na ganito ako diba?!  I had relationships way back pero ma wala po tayong dapat sisihin. Hindi po ko masamang tao. Ayoko ko sanang sabihin sa inyo pero hindi ko na kaya. Halos isang taon na din ma."

Mas humagulgol si mama kesa sa'kin. Habang si papa nama'y unang beses kong nakitang lumuluha. 

"Hindi kita nabigyan ng warning. Balita na yan noon pa. May awa ang Diyos!"

Gusto ko nang tumigil sa kakaiyak pero hindi pa rin maubos ang pagtulo ng luha ko dahil iba pala ang pakiramdam pag nakita mo ang mga magulang mo na umiiyak dahil sayo.  Pinangako ko sa sarili ko na hindi ko ipapaalam sa kanila hanggang kamatayan pero ayun, nasabi ko din sa hindi inaasahang pagkakataon. 

Parang MMK lang diba?!lol

Isang taon na rin ang nakakalipas, siyam na araw bago sumapit ang Araw ng mga Puso (Feb 5, 2012, Linggo) nang bumaha ng luha sa bahay namin.  Mula nung araw na yun, nagbago na ang lahat.  Unang linggo, medyo malungkot pa din pero unti-unti na rin silang nakapag-move on.  Sumapit ang Valentine's Day nun, binilhan ko sila ng Banopie at isang dosenang bulaklak. Sila ang kasama ko nung Valentine's Day na dati rati'y boyfriend ko ang binibigyan ko ng cake at bulaklak.  It's time to give back!

Para kong bumalik  sa pagkabata.  Parang ako ang bata sa dyip na sinasaway ng nanay  na wag tumusok ng iba ng espada. Na wag ilalabas ang kamay sa bintana at wag mangungulit ng ibang tao. Sobrang iba ang gabay at pagmamahal ng magulang. Natanong nga ko kahapon kung may nagpapatibok ba ng puso ko, sabi ko PAHINGA MUNA MA! Supportive na siya, na dati rati ayaw nila ko magdala ng boyfriend sa bahay! Si Papa naman ay nakikinuod na ng mga tinago kong  DVD Concerts ni Madonna at Beyonce.  

Dahil sa kanilang walang sawang pag-aaruga, pagtanggap at pang-unawa, ramdam na ramdam ko ang SOBRANG walang katumbas na PAGMAMAHAL Kaya naging malaking tulong yun para mabawasan ang burdens ko at sila ang strength ko. Kaya till the last drop of my CD4 cells, I will offer my life to my parents who created me to be part of this world and let me experience the LOVE AND BEAUTY of LIFE! 
Happy Valentines Day to all of you! 





"WE ARE ALL IN THIS TOGETHER.
NO PLHIV is alone with his or her struggle with HIV!"

-Pozziepinoy-






© Copyright. All Rights Reserved by Pozziepinoy 2012

Credits: 
Image by FreeDigitalPhotos.net

Tags: HIV Manila, HIV Philippines, AIDS Manila, AIDS Philippines, HIV/AIDS Manila, HIV/AIDS Philippines