Hunyo - Agosto ng taong 2011 ng ako ay graduating noon sa kolehiyo at nagOOJT sa isang mataas na paaralan sa Maynila ng maranasan ko ang mga sintomas ng sakit na babago sa takbo ng buhay ko. Lagi akong nilalagnat, araw-araw dumudumi ako ng tubig at nangangayayat. Napapansin na nga ng aking mga kaeskwela ang aking pagkakasakit at pangangayayat. Kayat sa likod ng aking isipan ay iniisip ko na merong pagkakamali o merong mali sakin. Kaya nga't dumako ang September ng taong din yun ng ako ay magpasya na tumungo sa isang Testing Center sa QC at doon ay nakilala ko si Sir Ryan. Sya ang tao na nagcounsel sakin at nagpaalala sa mga bagay bagay na may kinalaman sa naturang sakit. Handa na ba ako sa anumang kahihinatnan ng resulta ng aking blood specimen? Maraming tumatakbo sa isipan ko ng panahon na iyon. Paano kung positibo? Paano na ang mga pangarap ko ang buhay ko? Ano na lng ang sasabihin ng mga tao sa akin kapag nalaman nila ang sakit ko? Basta madami akong naiisip noon...Matapos makuha ang specimen ko ay nagtiyaga akong mag-antay sa resulta... At di ko na kinagulat at malungkot na sinabi sakin ng counselor na reactive daw ako. Ipapasa daw sa SL or SACCL ang specimen ko for confirmatory at kapag nagreactive doon ay doon ko malalaman na talanag positibo ako sa naturang sakit.
Nang buwan na din na iyon, ay tamang-tama na nagkaroon ng isang seminar para sa HIV awareness sa aming unibersidad na sya ko namang dinaluhan at ng aking mga kamag-aral. Doon ay naunawaaan ko ang naturang sakit at ang mga maaring kahihinatnan nito kapag hindi inalaagaan ang sarili at higit sa lahat ang tamang edukasyon at impormasyon tungkol sa HIV at AIDS. Doon ko nakilala ang isang tao na lubos akong humanga dahil sa kanyang dedikasyon at katatagan sa buhay sa kabila ng kanyang sakit. Itago natin sya sa pangalang "Jake" isa syang amerikano at nagtayo ng organisasyon para sa mga Filipino na may naturang karamdaman at para maibsan ang discrimination at stigma sa mga biktima ng naturang sakit. Simula noon sa aming malalim na pag-uusap sa maraming tanong hinggil sa aking sarili at sa sakit na maaring tumama sakin.
Buwang ng Oktubre, nang makatanggap akong ng text mula kay Sir Ryan ay sinabi nya na ang confirmatory ko ay nakahanda na at makikita ko sa Bernardo Social Hygiene Clinic sa QC. Dali- dali ako ay tumahak sa lugar na iyon at para matapos na ang aking paghihintay sa resulta.. Tanong ko sa sarili ko..Ano man ang resulta ay tatangapin ko ng buong buo. At di na ko nagulat sa aking nabasa na nilalaman ng confirmatory letter - HIV POSITIVE. Maluhaluha akong naupo at katulad ng sinabi ko ay kailangang kong maging matatag sa mga pagsubok na ito. Di ko alam kong ano ang gagawin ko sa mga panahon na yon at kung paano ko sasabihin at kanino... kinausap ako ng doctor at sinabihan na agad agad na pumunta ako sa SL para magpaschedule sa mga laboratory na syang huhusga sa bumababa kong kalusugan..Habang papalabas ako ng naturang clinic ay sumakay ako ng bus papuntang Robinsons Galeria at sa bus palang ay di ko alintana ang pagbuhos ng aking pag-iyak dahil sa sinapit ko. Naglakas ng loob ako na tumawag sa aking bestfriend at agad kong sinabi ang aking sinapit,. Sya rin a nanlumo at nalungkot sa balita.. sa kabila nito ay hindi sya nawala sa tabi ko.
Lumipas ang mga buwan at pasikreto akong nagpupunta sa SLH para alamin at kumunsulta sa doctor para sa kondisyon ng aking katawan at kalusugan. Doon ay marami akong makilala at narinig ko ang kanilang mga sintemyento at kwento ng pakikibaka sa naturang sakit. Moving on ika nga ang peg ko. Sa mga nakikilala ko ay tinatantya ko sa aking sarili kung ididisclose ko na ba sa pamilya ko ang aking karamdaman dahil alam ko na ang pamilya lamang ang isa sa mga huling sandigan para sa ganitong pagkakataon. Humingi ako ng gabay sa Panginoon at katatagan ng loob para biyayaan pa nya ko ng malakas na pangangatawan at isipan na harapin ang mga bagay-bagay. Sa huli, sa tulong ng aking kaibigan na si Jake ay naliwanagan ako sa mga bagay na maaring makagaan ng aking dinadala. Sumali ako sa itinayo nyang organisasyon na sya namang kumupkop sakin sa panahon na ako ay nagtatanong at nalulumbay. Lumipas ang mga linggo at naisipan ko na siguro ay kailangan ko nang harapin ang mundo at ang mga tao sa paligid ko. Kailangan kong tulungan ang sarili ko dahil ako lamang ang higit na nakakaalam sa sarili ko. Una akong nagconfess sa pamilya ko. Alam ko na hindi naging madali sa kanila ang tanggapin ang sinapit ko pero kailangan dahil nasa hiuli na ang pagsisisi. Natutuwa ako dahil sa kabila ng pag-amin ko sa aking karamdaman sa aking pamilya ay hindi nila ako pinandirihan at di nila ako itinakwil. Sinunod ko lamang ang sinasabi ng aking puso at isipan. Syempre nagawa ko yun dahil sa tulong na ring ng Diyos. Ginawa ko ito sa ganitong paraan: una ay kinausap ko muna ang ate ko na syang pinakaclose ko sa magkakapatid at doon ko hinayag sa kanya ang aking sakit at ang sumunod na eksena ay sa pamilya ko na.. Sa mga sandaling iyon ng pagbubunyag ay halong pagsisisi at pagkalungkot ang nadarama ng aking pamilya. Lalung-lalo na sa tatay ko na noon ay nagtratrabaho sa ibang bansa at first time ko na nasaksihan ang kanyang pagluha at pagsambit sa mga katagang "sana ako nalang ang nagkasakit nang ganyan, dahil matanda na ako, ikaw napakabata mo pa para magkasakit nang ganyan. Ang dami mo pang pangarap." Yakap at haplos ang nakuha ko sa aking ina na noo'y iyak ng iyak. Pagkatapos noon ay napag-usapan na namin ang mga hakbang para maging makabuluhan at maging makulay ang buhay ko, kung paano ko pa mapapahaba ang maiksing buhay ko.
Hindi ako nagkamali at ginabayan ako ng mga malalapit na tao sa kin, syempre matapos sa pamilya ko ay sinunod na nagdisclose ako sa aking paaralan at kamag-aral para alam nila kung bakit ako laging naliban sa klase. Kasalukuyan pa naman sa panahon na iyon ay graduating ako at madaming ginagawa. Di na ko nahirapan sa kanila na magdisclose kasi educated na sila sa sakit ko - kaya dumating sa punto na tinipon ko silang lahat at nagdisclose ako. Sa tuwa ko ay hindi ako nakarinig sa kanila ng pandidiri at hindi nila ako hinatulan. Bagkus ay dinamayan nila ako sa aking pakikibaka sa buhay. Maging ang mga professor ko sa kolehiyo ay alam nila ang pinagdadaanan ko kung kaya't hindi naging mahirap sakin ang makagraduate. Patunay lamang sa kabila ng aking sakit na pilit na inaalipusta at binabahiran ng putik at kontrobersiya ng mga taong mangmang ay naging matibay ako dahil sa pagmamahal at pagtanggap na binigay sakin ng mga taong sumusuporta at nagmamahal sakin. Tama ako sa desisyon ko na magdisclose sa kanila dahil san pa ba ako makakahingi ng pang-unawa at lakas kundi sa mga taong tatanggap sayo at aalalay sayo.
Dumating ang January 2012 ng magpasya ako na lumipat ng treatment hub from SLH to PGH dahil sa may kalapitan ito sa aking tahanan. Ito din ang hudyat na magsisimula ako ng ARV meds dahil sa unang CD4 count ko ay 129 lang na mukhang napakababa. Kaya kailangan ko nang maggamot para pataaasin ang aking katawan.. Wala namang problema sa mga Lab test ko kasi lahat ay cleared at negative kaya ang problema ko lamang ay ang pagpapataas ng CD4 ko. Binigay sakin ang NEVIRAPINE, LAMI/ZIDU na syang dudugtong sa aking buhay.. Syempre sa umpisa ay di madali sa kin ang mag-adjust sa gamot dahil sa mga adverse effects nito sa katawan ko. Hanggang sa lumipas ang anim na buwan at naging panatag at okey na ako sa gamot ko until now.
Sa kasalukuyan ay ako ay isang guro sa isang pribadong paaralan. Patuloy na itinutuloy ang aking nasimulan na manindigan at wag mawalan ng pag-asa sa kabila ng mga pagbabago at problema na kinakaharap. Masaya ako sa takbo ng buhay ko ngayon at sa kalusugan ko na tumataas ang CD4 ko. Healthy living ika nga, iwas sa mga stressors, night life iniwasan ko na yan at ang dati kong buhay. Ngayon ay ginugugol ko nalamang ang aking buhay sa pagtuturo at sa aking pamilya. At sa pagdating ng aking anghel na syang nanindigan at di umalis sa tabi ko sa kabila ng aking karanasan at karumihan ng nakalipas. Sa ngayon ay masigla pa din akong nalahok sa mga adbokasiya na may kinalaman sa HIV AIDS.
Sa mga kapwa ko possie, nawa'y naging inspirasyon ang kwento ko ng pakikibaka sa buhay na wag silang mawalan ng pag-asa at paniniwala dahil walang binibigay na problema ang Diyos na walang solusyon!
Sa muli gumagalang,
+ SER
"WE ARE ALL IN THIS TOGETHER.
NO PLHIV is alone with his or her struggle with HIV!"
-Pozziepinoy-
If you have comments or questions, please click this link:
© Copyright. All Rights Reserved by Pozziepinoy 2012
Credits:
Image by FreeDigitalPhotos.net
Tags: HIV Manila, HIV Philippines, AIDS Manila, AIDS Philippines, HIV/AIDS Manila, HIV/AIDS Philippines