My PLHIV Story: "Huwag Matakot Harapin ang Problema"
Posted by Pozziepinoy on 8:59 PM
Sana ang kwento ko na to ay maging daan para makapanghikayat na magpa-HIV test ung mga taong takot o nahihiyang harapin ang realidad ng buhay.
Dax ang pangalan ko, 24 years old na ako ngayon. Namuhay ako ng puno ng pagaalaga at pagmamahal sa aking pamilya. Mahirap man ang buhay pero masaya dahil kami ung klase ng pamilya na masasabi mong mahal namin ang isat isa. Bata palang ako may laya na akong gawin ang mga gusto ko, hinahayaan akong madapa at bumangon sa sarili kong mga paa. Tinuruan akong harapin ang aking pagkakamali, un na din siguro ang dahilan kung bakita wala akong bisyo ngayon (yosi, barkada, drugs, alak etc) at naging responsible akong anak.
Noon pa man attracted na ako sa kauri kong lalake pero patuloy ko paring ikinukubli ang aking tunay na pagkatao sa pagkakaroon ng mga girlfriend, oo..MGA talaga.. kasi madami sila, ehehe... Bagamat hindi iyon ang tunay na gusto ko, pero hindi kailanman naging dahilan iyon para pagsisihan ang mga pinasok kong relasyon, dahil masasabi kong naging masaya ako sa piling ng mga babaeng pumasok sa buhay ko. Sakanila ko natutunan magmakaawa, umiyak, masaktan at higit sa lahat ang magmahal ng lubusan. Marahil hindi maniniwala ang nakararami na imposibleng magmahal ng babae ang isang lalake na may pusong babae pero ng mga panahon na un pagmamahal ang nararamdaman ko sa mga babaeng dumaan sa buhay ko. Hanggang ngayon nga dumadating pa ung punto na hinahanap-hanap ko parin ang pagkakaroon ng babaeng minamahal.
Hindi ako degree holder pero nakapag aral naman ako ng vocational course sa tulong ng aking ate, dahil kapos sa pera hanggang dun lang kinaya niyang masustentuhan ako sa pag-aaral pero laking pasasalamat ko na sa ganung antas na narating ko kaya sinuklian ko iyon ng mgagandang grades at mga medalya. Naging consistent ang pagkakasama ko sa dean´s lister kaya hindi ganoon kataas ang tuition fee ko noon.
Year 2011 may girlfriend ako, at ayun dahil sa masiyado kaming nagpadala sa relasyon namin nabuntis siya, napakaraming nagsabi na sayang daw ako, ang bata ko daw isinuko ang pagkabinata ko. Umpisa na daw iyon ng tunay na hirap ng buhay. Pero bago pa isilang ang bata naghiwalay kami ng gf ko kasi inamin ko na kung magpapakasal man kami kelangan niya malaman na bisexual ako, sa kasamaang palad di niya natanggap un, hanggang sa manganak siya at binigay niya sakin ang napakagwapong supling at ako na daw magalaga dahil di pa daw niya kaya maging nanay. Doon na tuluyang naghiwalay ang landas namin nung ex-gf ko. Ako naman buong puso kong tinanggap at inuwi ko ng may mga ngiti sa labi ang aking anak. Gayon din ang galak ng aking pamilya nung makita nila ang anghel na dala ko.
Hindi ako masiyadong nahirapan sa pagpapalaki sa bata dahil sinusuportahan ako ng pamilya ko, mula noon naghanap agad ako ng mapagkakakitaan, naging empleyado ako pero narealize ko walang mangyayari sakin sa ganung klaseng sahod kaya nagbusiness ako, lahat yata ng business pinasok ko hanggang sa nakita ko kung anong business ang masaya akong gawin at kakayanin ko. Ayun sa awa ng Poong Maykapal sa edad kong 24 may stable na mga business ako ngayon, meron na akong Printing Business, Computer Shop at maliit na restaurant pero may business partner ako dun sa resto. Pero hindi pa doon natatapos ang mga pangarap ko, marami pa akong gustong marating sa buhay at gusto ko pang makapag-aral at maging isang ganap na doctor.
Hanggang sa dumating sa buhay ko itong si Josh, hindi mapagkakailang gwapo itong si josh. Nagkaroon kami ng mutual understanding, gusto namin ang isat isa pero napagkasunduan namin kikilalanin muna namin ang bawat isa, pero nagrequest ako na NO SEX hanggat hindi kami naging official pumayag naman siya at hinangaan pa nga iyon ng mga kaibigan niya kasi daw malinis intensiyon ko kay josh. Open kasing tao si josh alam ng pamilya at mga kaibigan niya na bisexual siya salungat sa pagtatago ko ng tunay kong kasarian. Dumating sa point na may nagtetext sakin ang pangalan Paul sabi sa text awang awa daw siya sakin dahil ang taong tinuturing ko daw na hari ng buhay ko na si Josh nga daw ay kung kani-kanino nakikipag sex. So ako naman hindi muna ako naniwala dahil mas kilala ko itong si Josh kesa kay Paul kaya mas maniniwala ako sa sasabihin ni Paul. Nagkita at nagusap kami ni Josh pero pinasinungalingan niya ang mga sinabi ni Paul. Pero hindi tumigil si Paul hanggang sa nagsesend na siya ng mga pictures na aktong nakikipag sex itong si Josh sa ibang lalake. Siyempre wala ng lusot si Josh dahil nasakin na lahat ng proof kaya kahit masakit, ako na ang lumayo at binigyan ang sarili ko ng oras para maka move on. Ganun yata talaga, hahanap hanapin ng tao ung sex. Marahil ang hiling kong no sex hanggat hindi nagiging kami ang naging dahilan kung bakit niya nagawa ung panloloko na un.
Sa mga araw na sinubukan kong ibangon ang sarili ko dahil sa panloloko ni Josh ay si Paul ang aking naging sandalan dahil wala akong kaibigan na alam na bisexual ako at kahit sa pamilya ko hindi nila alam ang ganitong klase kong pagkatao. Kaya hindi naglaon naging magkaibigan kami ni Paul, hanggang sa umamin siya na kaya daw niya binuking si Josh ay dahil gusto niyang mapalapit sakin at naaawa daw siya sakin dahil masiyado daw akong tapat sa taong hindi karapatdapat. Hindi nagtagal at naging malapit kami ni Paul, magkasundo sa maraming bagay at maalaga siya sakin hanggang sa maging kami na nga, imbis na siya ung magtanong na kung kami na..eh ako pa talaga itong gumawa ng gimik sa araw na maging kami. Sinubukan kong maging espesyal ung araw na un samin, nagpunta kami sa coron palawan, ang akala niya mamamasyal lang kami. Nung makarating kami sa hotel sabi ko sumisikip ang dibdib ko bilan niya kako ako ng gamot..gamot na wala dito sa pinas..heheh, para matagalan siya sa paghahanap para may sapat akong oras sa pagaayos ng surprise sakanya. Pero di niya alam gimik ko lang un, dahil habang wala siya nakiusap ako sa hotel na rentahan ko ung rooftop, pero mabait etong may-ari ng maliit na hotel pinagamit niya iyon ng libre. Hanggang sa inayos ko ung rooftop, ung bag ko na puno ng rose petals ay ikinalat ko sa paligid at candle na fake, ung battery operated na flame ng candle ay pinaikot ko sa labas ng mga petals na arkong heart shape. Nagorder agad ako ng foods sa mismong hotel and then tulad ng mga napapanood ko sa tv nilagay ko sa isang cupcake ung dalawang ring, pero customized silver ring para unique at lalo niya maappreciate.
Sinabihan ko ang receptionist na pag dumating siya padiretsuhin niya sa rooftop. Hanggang sa dumating siya na hingal na hingal at tulad ng inaasahan nagulat siya at nasurprise. Umayon naman lahat ng nangyari katulad ng inaasahan ko at naging kami, pagkatapos non kinuha ko ung sky lantern at sinulat namin dun ung mga promises namin sa isat isa at pinalipad iyon sa himpapawid. Ung gabi din na un ay may nangyari samin, matagal naming hinintay un kaya wala na kaming control sa isat isa hanggang sa makatulog ng walang saplot. Lumipas ang mga buwan at ilang beses din naulit ang mga gabing nagbuhos kami ng init sa isat isa. Hindi namin alintana ang sakit na pwedeng makuha namin dahil puro pagmamahal ang nangingibabaw sa isipan namin. Hanggang sa inamin ko na din na may anak ako, at buong puso naman niyang tinanggap ang anak ko.
Pero dumating ang matinding pagsubok sa relasyon namin, nagbalik si Josh at siya naman ang nagsusumbong sakin dahil niloloko lang daw ako ni Paul, na may dalang proof at mga nakamarkang araw sa kalendaryo na nakikipagsex si Paul sa iba at nagtugma nga iyon sa mga araw na umaalis si Paul sa bahay nila. Hanggang sa nalaman ko na sila na palang dalawa, ang kasex ni Paul na tinutukoy ni Josh ay siya din pala. Nagdilim ang paningin ko nung mga oras na un kaya nasapak ko si Josh ng ilang ulit. Nalaman ko din na noon pa man pala ay dun na kila josh nakatira si paul, umuuwi lang pala siya sa bahay nila kapag pupunta ako sakanila. Ang buong pagaakala ko na sa bahay nila siya tumutuloy ay pawang kasinungalingan lamang pala.
Nawalan ako ng gana mabuhay ng mga oras na un, hindi kumakaen at laging tuliro. Lumipas ang mga panahon hanggang sa humina na ang katawan ko, nilagnat ng ilang linggo. At kung ano anong rashes ang lumabas sa katawan ko hanggang sa pati ang ubo ko umabot ng isang buwan. Sobrang bagsak ang katawan ko noon at dahil matanda na ang mga magulang ko ayaw kong makita nila na ang kanilang bunsong anak na may sakit. Iba kasing mag alala ang mga magulang ko kaya hanggat maaari ayaw ko silang nagaaalala. Para makaiwas nakiusap ako sa kaibigan ko na dun muna ko stay sa apartment niya habang nagpapagaling at ang paalam ko sa magulang ko ay magbabakasyon lang ako. Habang ako naman ay nagseself medicate puno ako ng pangamba, dahil hindi mawala-wala sa isip ko na bka HIV positive na ko dahil sa mapusok na pagtatalik namin ni Paul. Sa bawat artikulo na nababasa ko tungkol sa HIV tumutulo ng kusa ang mga luha ko kasi lahat ng sintomas ay nararamdaman ko na. Pero nandoon ang takot ko na magpatest, takot akong harapin ang katotohanan, takot akong malaman kung ano ang sakit ko, at lalo kong kinakatakot na malaman ng pamilya ko na ang anak nila na sobra kung tingalain ay may sakit dahil sa kapusukan sa pakikipagtalik.
Gabi gabi kong dinaramdam ang mga sakit ko, halos hindi na makatulog dahil sa may dalang sobrang sakit ang mga rashes na tumutubo sa katawan ko. Hanggang sa mabisita ko ang page ng The Project Red Ribbon o Pozziepinoy na naglalayong manghikayat na magpa-HIV test ang mga high risk at nakahandang tumulong para umalalay at gumabay sa bawat taong positibo sa naturang sakit. Matapos kong basahin ang buong blog ay nakapagpasya na ko na magpa test, pero bago iyon inalay ko muna sa Panginoon ang sarili ko, na ipapaubaya ko ang lahat sakanya. Nang sa gayon kayanin ko mag isang harapin kung sakaling ako ay positibo sa sakit na HIV. Pinagdasal ko nalamang na kung ano man ang maging resulta nito maging negatibo man ay nakahanda ako at lalo akong magiging handa kung ito nama’y maging positibo.
Dumating ung araw ng malaman ko ang resulta ng mga test, at ito nga ay REACTIVE ibig sabihin ako ay positibo na sa HIV stage IV. Ang akala ko ready na ko anuman ang maging resulta, hindi pala. Gumuho ng isang iglap ang mga pangarap ko sa buhay. Paano ko ito haharapin ng mag-isa, paano ako babangon sa sabay sabay na dagok ng buhay ko. Bagamat patuloy paring nagooperate ang mga business ko pero dahil ito’y napabayaan ko unti unti ng humihina ang pasok ng kita. Alam kong kay Paul ko ito nakuha dahil noong bago pa lamang kami ay napapansin ko ng lagi siyang nagkakasakit at nagbubulagbulagan ako sa mga nakikita kong iyon dahil mahal ko siya. At hindi ko siya magawang sisihin sa mga nangyayari sakin ngayon dahil ginusto ko din naman ang mga naging dahilan kung bakit ako nagkakaganito ngayon.
Hindi ako takot na mamatay, takot ako sa mga taong maiiwanan ko.. ganun naman yata lahat, mas inuuna ang kapakanan ng pamilya kesa sa sarili. Takot ako na mawawalan nang saysay ang mga pangarap ko para sa pamilya ko at sa anak ko. Nangangamba ako na bka hindi ko na masubaybayan ang paglaki ng aking anak. Hanggang sa malaman ko sa kaibigan ko na umiiyak na pala ang mga kapatid ko at ang nanay ko dahil sa sobrang pag-aaalala sa akin. Tunay ngang wagas ang koneksiyon ng ating mga nanay sa kanilang mga anak, na kahit wala tayong sabihin sakanila konting galaw mo lang alam na nila na may nararamdaman ka na.
Doon ako namulat, may mga tao palang umaasa sakin na nakalimutan ko dahil nabulag ako sa pagmamahal sa maling tao at sa masamang maaaring maidulot sakin ng sakit na meron ako ngayon. Dahil sa pagmamahal ng buong pamilya ko sakin ay naging daan upang magkaroon ng lakas ng loob para harapin ang sakit na ito. Ang kabiguan sa pag-ibig ay hindi pala dahilan para sumuko dahil higit sa pagmamahal ng ibang tao ay merong mga taong tunay na nagmamahal sayo, walang iba kung hindi ang iyong pamilya. Sa tulong ng mga doctor at nurse na nag-gagabay sakin sa isang treatment hub ay lalo akong nagkaroon ng lakas ng loob dahil binigyan nila ako ng bagong pag asa.
Pag-asa na mabuhay ng normal, mabuhay na kasama ang pamilya. Buhay na kasama ang aking anak na makakasama pa ako sa kanyang paglaki at maging parte ng kanyang mga pangarap sa buhay. Wala man akong lakas ng loob na sabihin sa pamilya ko ang tunay kong sakit, ngunit ramdam ko na alam nila kung ano ang sakit ko. Tulad lamang iyon ng pagkukubli naten sa ating tunay na pagkatao, may mga taong umaarteng tunay na lalake pero kung sa sarili mo pa lamang ay may pagdududa ka na sa tunay mong kasarian paano pa kaya ung mga taong mula pagsilang mo eh nakikita na ang bawat galaw mo.
Ngayon bumalik na ang lahat sa normal, naging maayos na ang kalusugan ko. Bumalik na ang sigla ng pangangatawan ko sa sandaling panahon na paginom ko ng mga gamut at pagsunod sa mga payo ng mga doctor ko, mismong mga doctor hindi makapaniwala na sa katawan ko na ito ay may monster sa dugo ko, ibig sabihin hindi daw makikitaan sa akin na may dinaramdam ako.
Wag matakot harapin ang problema, ang inaakala nating sakit na ang kaakibat ay kamatayan ay wala ng solusiyon. Doon po tayo nagkakamali, lahat may solusiyon lahat may paraan kung ito’y haharapin mo. Maraming taong handang tumulong at handang magbigay solusiyon sa iyong suliranin, naghihintay lamang sila sayo sa pag abot ng iyong mga kamay sakanila at bigyan ng pagkakataon na mahawakan ito at sabayan ka sa pagharap ng iyong suliranin sa iyong kalusugan.
Wag mo isiping ito ay parusa ng nasa itaas, dahil ikaw lamang ay biniyayaan ng pagkakataon para marealize mo ang mga mali mo sa nakaraan kaya’t magkakaroon ka ng pagkakataon para baguhin at itama ito.